Progreso

{dropcap]Isang lugar sa di kalayuan sa Bayan ng Gumaca ay masasabing mapanglaw at ito ay kinatatakutan ng mga naninirahan doon. Ayon sa isang matanda na aking napagtanungan, sa lugar na ito ay may tulay na kinapapanglawan sapagkat di umano ayon sa kaniya ay may lumalabas ditong kabaong. Minarapat ng mga naninirahan doon na ito ay mapabasbasan o ipabendita sa isang pari na sa kanilang paniniwala’y ito ang makakabubuti upang mawala ang pangitaing ito. Laking tuwa naman ng mga naroon at nakabuti ang kanilang ginawa na pagpapabendita hanggang sa ang lugar na ito ay tinawag na “Villa Bendita”. Lumakad ang mahabang panahon at ito ay nakilala sa tawag na “Barangay Progreso” na nakasasakop noon ng Sitio Tejero na mas kilala ngayong Brgy. Mabini.[/dropcap]  Ang pamilyang unang nagkaroon ng mga lupain dito sa Barangay Progreso ay Pamilya ni G. Jesus Tañada na ama ni G. Alfonso Tañada na siyang naghandog o nagdonate ng lupang kinatitirikan ng Bahay Nayon. Gayon rin ang pamilya ng mga Colon, Benilla, Arcaya, Omana at Lim Hap (isang Intsik) na kung saan nagpahiram ng lupang kinatatayuan ngayon ng Barangay Health Center, Muli-Purpose Building at Chapel ng Poong San Roque na ito ay sa pamamagitan ni Gng Lamsa Lao.

Ang Barangay Progreso noon ay nababahagi rin sa mga Purok na ang mga ito ay ngayon ay Purok-1. Kilometero Dos na ngayon ay Purok 2. Kilometro 3 na kilala rin sa Purok 3. Ang Pugawin na naging Purok Malambing na kilala ring Purok 5. Ang Purok 4 at ang Malapinggan o Macabag na ngayon ay naging Purok 6.

Ang mga unang namuno sa Barangay na ito bilang Tinyente del Rosario ay sina Gng. Marcelina Libranda, Pradela tubong Bicol, Manuel Rivera at G. Nicolas Diacas. Hanggang sa ang sumunod bilang Kapitan ay sina G. Corpuz, G. Leonardo Noriel at G. Cresenciano Maranca Sr. na nanungkulan ng panahon ng “Marcial Law”. Ang sumunod na namuno ay ang ating Senior Councilor, Kgg. Kagawad Sangguniang Bayan Aladino L. Alcaya. Kumandidato siya bilang Kagawad at siya ay naging mapalad at kinuha siyang OIC, si G. Liberato Calvelo. Nagkaroon noon ng election taong 1989 na pataasan ng boto, lumamang ng isang boto si G. Sesinando Villasana kay Gng. Estrella Alpuerto kung kaya’t si G. Villasana ang naging Kapitan. Subalit sa kasamaang palad ang nasabing kapitan ay nasawi o namatay sa di inaasahang pangyayari kung kaya’t si Gng. Estrella Alpuerto ang hinirang bilang kapitan ng Barangay Progreso mula 1989 hanggang 1994. Nagkaroong muli ng Election at ang nanalo ay si G. Dominador Paco tulad rin ng mga nagdaang namuno ay ginawa ng mga ito ang mga nakabubuting gawain para sa pagpapaunlad ng barangay. Sa election noong ika-11 ng Mayo, 1997 muling nanalo Kapitana Estrella Alpuerto (1997-2002).

Ang Barangay Progreso ay may lawak na 314.5 hektaria ang kalupaan at ang naninirahan dito sa kasalukuyan ay binubuo ng 2,877 katao.

Ang pangkaraniwang hanapbuhay ng mga taga-rito ay ang pagsasaka, pagkakarpentero at pagkokopra. Mayroon din naman ditong mga Professionals tulad ng mga Guro at kawani ng Gobyerno. Mayroon din ditong mga namimili ng Copra o negosyante at mga manggagawa. Ang mga pananim na ikinabubuhay ng mga taga-rito ay tulad ng palay, gulay, prutas at higit sa lahat ay ang Puno ng Niyog.

Ang “Poong San Roque” na deboto ng mga maysakit ang Patron ng Barangay na ito. Ipinagdiriwang ito taun-taon tuwing ika-15-16 ng Agosto. Sa pamamagitan ng Nobena ay naipapahayag ng mga tagarito ang kanilang pagmamahal sa Mahal na Patrong San Roque. Nagkakaroon din ng pagtatanghal ng mga palabas, patimpalak, iba’t-ibang klase ng paligsahan na nakapagdudulot ng lubos na kasiyahan sa mga naninirahan dito at sa kanilang mga magiging panauhin sa araw ng Kapistahan.

Sa ngayon, matatawag na ang Barangay Progreso ay naging angkop para sa kaniyang pangalang “Progreso” sapagkat dito sa lugar na ito ay matatagpuan ang mahahalagang pangangailangan sa pang araw-araw tulad ng elektrisidad na sa panahong ito ay natayo sa bahagi ng Barangay Progreso ang NAPOCOR dagdag pa ang pinagkukunan ng supply ng tubig na naririto sa Barangay at ito ay ang GUMACA WATER DISTRICT kung saan ang mga mamamayan ng Gumaca ay natutulungan sa pangangailangan ng tubig. Dagdag na rin dito ay ang Graceland, isang subdivision; Progreso Soft Wood Products, isang pabrika ng tooth pick kung saan marami ring trabahador ang natutulungan. Naririto rin ang isang Elementary School kung saan dito ay nag-aaral ang mga mag-aaral simula Kindergarten hanggang Grade 6. Dito na rin napatayo ang Sub-station ng Quezelco.

Tungkol naman sa proyektong naitayo sa Barangay Progreso ay ang tulad ng mga sumusunod: Health Center, Multi-Purpose Building, Barangay Chapel, Grotto, Barangay Roads, Waiting Shed, Street Lights at Patubig.

May mga Barangay na nakapaligid sa Barangay Progreso tulad ng Barangay Villa Padua sa East kung saan ito ay nakaarko sa Barangay Progreso sa pamumuno ng Punong Barangay Angel Dapilos. Sa South ay ang Barangay Butaguin kung saan si Punong Barangay Abner Marilla ang namumuno at Manlayaan—Punong Barangay Cesar Sombilla. Sa North ang Barangay Sastre sa ilalim ni Punong Barangay Percival Soledad at sa West ay ang Barangay Mabini na si G. Ramon Reynante O. Castillo.


Government Links

Contact Us

  • unitLocal Government of Gumaca
  • phone(042) 317-6335 | (042) 317-7591 (8:00 - 17:00)
  • maillgugumaca@ymail.com
  • map J.P. Rizal St., Brgy. Pipisik, Gumaca, Quezon (4307)

Follow Us